Kinumpirma ng Department of Education (DepEd) na empleyado ng DepEd Region 12 ang ama ng Grade 9 student na sangkot sa pamamaril sa Banga National High School sa Banga, South Cotabato.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, hindi isasama sa pag-iimbestiga ng DepEd ang ama ng estudyante.
Sa ngayon, aktibo pa rin umano sa serbisyo ang naturang empleyado at hindi suspendido. Ayon sa DepEd, hihintayin muna ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine National Police o PNP, partikular sa usapin ng pagmamay-ari ng baril.
Kapag may sapat na ebidensya, sinabi ng kagawaran na magsasampa ng kaukulang kaso laban sa sinumang mapatutunayang responsable.
Matatandaang sinabi ng alkalde ng Banga na pag-aari umano ng ama ng estudyante ang baril na ginamit sa pamamaril at nakatago ito sa isang vault. Sinira umano ng estudyante ang vault bago nakuha ang baril at nadala ito sa paaralan.
Samantala, sinabi ni Angara na sisilipin din ng DepEd ang posibilidad na naimpluwensyahan ng tinatawag na true crime community ang estudyante.
Hihingi rin umano ang kagawaran ng tulong sa Department of Information and Communications Technology o DICT at Department of the Interior and Local Government o DILG para imbestigahan ang naturang anggulo.
Patuloy rin ang pagbibigay ng psychological first aid at mental health support sa mga estudyante, guro at iba pang naapektuhan.
Tatlong estudyante ang nasawi, kabilang ang suspek na nagpakamatay matapos ang pamamaril, habang ilang iba pa ang nasugatan sa insidente.















