-- Advertisements --

Isinisisi ng China coast guard at Chinese Embassy sa Pilipinas ang Philippine vessel sa nangyaring banggaan sa West Philippine Sea noong Setyembre 18.

Ayon sa Chinese embassy, nagsagawa umano ng “Unprofessional maneuver” ang Philippine vessel no. 3015 at sadyang tumawid sa daraanan ng Chinese coast guard vessel Sanzhou’ao, na naging sanhi umano ng collision.

Iginiit naman ng CCG na paulit-ulit na binalaan ang Philippine vessel bago ito umano biglang nagpalit ng direksyon at bumilis.

Sinabi ng Beijing na nasa panig ng Pilipinas ang buong pananagutan sa insidente at hinimok ang Manila na itigil ang umano’y “Provocative acts.”

Kabaligtaran naman ito ng pahayag ng Philippine Coast Guard.

Ayon sa PCG, binangga ng Chinese vessel ang BFAR vessel BRP Datu Magat Salamat habang nagsasagawa ito ng maritime patrol at fuel subsidy mission para sa mga mangingisdang Pilipino, nasa 54 nautical miles mula sa Palawan.

Sinabi ng PCG na nagsagawa umano ng delikadong maniobra ang Chinese vessel bago ang banggaan, na nagdulot ng pinsala sa railings at deck structures ng bfar vessel.

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.