-- Advertisements --

Mahalagang pag-aralan ng mga kabataan ang kasaysayan ng Martial Law upang maunawaan nila ang mga nangyari at mga aral mula sa panahong iyon, ayon sa isang history expert kasabay ng paggunita ng ika-54 na anibersaryo ng Martial Law ngayong araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Prof. Mike Pante, Associate Professor ng Department of History ng Ateneo de Manila University, sinabi niya na ang panahon ng Martial Law ay isa sa pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng Pilipinas dahil mahigpit ang naging kontrol ng administrasyon sa iba’t ibang bahagi ng buhay ng mga Pilipino.

Ayon kay Pante, noong panahon ng Martial Law, nalimitahan ang kalayaan ng media dahil ipinasara o pinatigil ang operasyon ng ilang istasyon, habang ang mga nagpapatuloy sa pagbabalita ay kinailangang harapin ang mahigpit na kontrol ng gobyerno.

Pahayag pa niya, mahalagang maturuan ang mga kabataan tungkol sa Martial Law upang magsilbi itong paalala sa kanila at maunawaan nila ang kahalagahan ng freedom of expression, press freedom at iba pang demokratikong karapatan.