-- Advertisements --

Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na hindi overkill ang deployment ng mga pulis para sa nalalapit na paggunita sa ika-54 na anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar sa Setyembre 21.

Isasailalim ng PNP sa Full Alert status ang buong Metro Manila simula hatinggabi ng Setyembre 19 bilang bahagi ng pagpapatindi ng seguridad.

Ayon kay PNP spokesperson PCOL. Allen Rae Co, higit 15,000 na tauhan ng pulisya ang buong ipapakalat sa mga pangunahing kalsada at lugar na madalas pagdausan ng mga kilos-protesta.

Magpapadala rin ang pamunuan ng sapat na Civil Disturbance Management (CDM) teams na nilagyan ng body-worn cameras alinsunod sa utos ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na magpatupad ng maximum tolerance.

Kahit wala pang natatanggap na application para sa rally permits ang PNP, nagpatrulya na sina NCRPO Director PBGen. Christopher Abrahano sa mga pampublikong pasilidad tulad ng EDSA Shrine at People Power Monument.

Samantala, kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na wala pa silang namo-monitor na anumang banta sa seguridad kaugnay ng gaganaping mga aktibidad.