-- Advertisements --

Hinatid na sa huling hantungan sa Paniqui, Tarlac kahapon ang labi ng mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio matapos silang barilin-patay ni Police Staff Sgt. Jonel Nuezca.

Sa kabila ng malakas na ulan at banta ng COVID-19 ay sumama pa rin sa libing ang mga kamag-anak at mga nakikiisa sa ipinaglalabang hustisya ng naiwang pamilya ng mga biktima.

Tumulong naman ang Central Luzon police sa mga tauhan ng barangay para tiyakin na magiging ligtas at maayos ang prusisyon para sa mag-inang Gregorio.

Noong nakaraang Linggo nang pagbabarilin ni Nuezca ang mag-ina sa harap mismo ng mga kaanak nito.

Ayon kay Avelina San Jose, isa sa mga kaanak ng mga biktima, na napatawad na ng kanilang pamilya si Nuezca sa kaniyang ginawa pero kailangan pa rin daw nitong panagutan ang krimen.

Hindi lamang daw sa mata ng Diyos mananagot ang suspek ngunit maging sa batas at mata ng tao.

Sa kabila ng karumaldumal na krimen ay nagawa pa rin nitong magpasalamat sa mga pulis.

Paglilinaw ni San Jose, hindi raw sila galit sa mga otoridad bagkus ang ikinagagalit nila ang mga taliwas na gawain ng ibang mga pulis na nasa hanay ng Philippine National Police (PNP).

Sa ngayon ay patuloy na naghihintay ang pamilya Gregorio sa magiging kautusan ng korte para mai-turnover ang kustodiya ni Nuezca sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Dagdag pa ng PNP na pitong saksi na ang nakapagbigay ng kanilang sinumpaang salaysay habang patuloy din ang psychological assistamnce sa lahat ng mga nakakita ng krimen kung saan kasama na rito ang 8 menor de edad.