Nangunguna na ang Pilipinas sa domestic tourism market sa buong Southeast Asia.
Kinumpirma ito ni Tourism Secretary Christina Frasco sa pagdinig ng panukalang pondo ng Department of Tourism ngayong Martes, Setyembre 2.
Ayon sa kalihim, nakapagtala ang domestic tourism ng bansa ng US$63.4 billion noong 2024. Ito ay may 35.8% share sa Association of Southeast Asian Nation (ASEAN).
Tinatayang papalo pa ang domestic tourism ng PH sa US$70.8 billion ngayong 2025.
Naungusan ng Pilipinas ang ibang mga bansa sa Southeast Asia kabilang na ang Thailand na pumangalawa, Indonesia (pangatlo), Malaysia (pang-apat) at Vietnam (pang-lima).
Maliban sa domestic, nakitaan din ng pagsigla ang international visitor arrivals sa nakalipas na taon.
Ayon kay Sec. Frasco, mula sa mahigit 163,000 noong 2021, tumaas ito sa halos 6 milyong international arrivals noong 2024 na nagpapakita ng paglakas ng global confidence sa ating bansa na nagbukas ng mga oportunidad ng trabaho at mas magandang buhay para sa mga Pilipino.
Kung saan, ayon sa kalihim, nasa 6.75 milyong Pilipino ang direktang nabigyan ng trabaho sa pamamagitan ng turismo.