-- Advertisements --

Tiniyak ng mga opisyal at tourism stakeholders na handa na ang Cebu sa pagho-host ng ASEAN Tourism Forum 2026 matapos ang masinsinang paghahanda at infrastructure upgrades.

Binigyang-diin ng Department of Tourism ang malaking oportunidad ng Cebu sa muling pagpapasigla ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng kaganapan at magbibigay ito ng malaking multiplier effect.

Sa ginanap na pulong balitaan, inihayag ni Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco, na ang event ay pagkakataon para ipakita ang kahandaan ng Pilipinas at ng Cebu bilang world-class destination, lalo na matapos ang hamong dulot ng lindol, bagyo, at pagbaha noong 2025.

Sinabi pa ni Sec. Frasco na inaasahang magdadala ng malalaking benepisyo sa lokal na industriya ng turismo ang Travel Exchange (Travex), na mag-uugnay sa mga international buyers at mga lokal na destinasyon sa bansa.

Gaganapin ang Travex travel-trade event mula Enero 28 hanggang 30 sa Mactan Expo, Lapu-Lapu City, na inaasahang dadaluhan ng mahigit 5,000 opisyal na delegado mula sa ASEAN, bukod pa sa iba pang bisitang may kaugnayan sa summit.

Dagdag pa ng kalihim, mahigit 10,000 tourism frontliners mula sa iba’t ibang rehiyon ang sumailalim sa pagsasanay upang matiyak ang mataas na antas ng serbisyo sa mga bisita.