Bukas si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman na personal na bantayan ang magiging deliberasyon ng panukalang pondo para sa fiscal year 2026 sa bicameral conference committee.
Ito ay para matiyak na maiwasan ang “insertions” sa 2026 budget.
Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa National Expenditure Program (NEP) para sa fiscal year 2026, tiniyak ni Sec. Pangandaman na masusing babantayan ng DBM ang bicameral proceedings para protektahan ang kaban ng bayan mula sa irregular realignments at mapanatiling prayoridad pa rin ang national agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Nilinaw naman ng kalihim na bagamat wala ng hurisdiksiyon ang DBM sa General Appropriations Bill sa oras na umabot na ito sa bicameral conference committee, makikipagtulungan aniya ito sa House Secretariat at sa Legislative Budget Research and Monitoring Office para magbigay ng real-time technical validation ng mga panukalang pagbabago sa pondo.
Sakali man aniyang may mga item na labag sa konstitusyon o unsupported, kanila itong sisiyasatin, idodokumento at irerekomenda sa Pangulo na i-veto.
Ginawa ng kalihim ang pahayag para tugunan ang idinulog na concern ni Senator Panfilo Lacson sa kwestyonableng realignments sa nakalipas na budget process partikular na sa 2025 budget kung saan naungusan ang pondo ng edukasyon ng DPWH budget na kasalukuyang nababalot ng umano’y mga anomaliyang multi-bilyong flood control projects.
Samantala, iginiit naman ni Senator Rodante Marcoleta na dapat na bantayan mismo ng DBM Secretary ang bicam kahit na hindi ito bahagi ng komite.
Tinanong naman ni Sec. Pangandaman kung papahintulutan siya kung sakali na dumalo sa bicameral conference para bantayan ang proseso, tugon ni Sen. Marcoleta na bukas ang pintuan para sa kalihim.