Pirmado na ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang hiling ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon na ‘Immigration Lookout Bulletin Order’ kontra ilang indibidwal sangkot sa isyu ng flood control projects.
Ayon sa naturang kalihim, pirmado na niya ang naturang kautusan kasunod ng mapirmahan rin ang ‘request for issuance’ ng Senate Blue Ribbon Committee kahapon ng kaparehong kahilingan.
Aniya’y kanila itong ilalabas ngayong araw upang tuluyang maisyuhan at mabantayan na ng Immigration ang paglabas man ng bansa sa mga indibidwal na sangkot sa kontroberisya.
Ngunit kanya pang sinabi na kanilang ipagbibigay alam rin ito kay Secretary Vince Dizon sapagkat ang ilan sa mga kanyang pinaiisyuhan ay kabilang na sa mga naunang naisailalim sa travel monitoring.
Sa kabuuan, ayon sa ipinadalang mensahe ni Assistant Secretary Mico Clavano sa Bombo Radyo, aabot sa 43 indibidwal ang inisyuhan na ‘Immigration Lookout Bulletin Order’.
Kung saan, nangunguna rito ang mag-asawang Cezarah at Pacifico Discaya na siyang sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Ang pamilya Discaya rin ay siyang humaharap sa isyung pagmamay-ari ng umano’y nasa ’80 luxury cars’ na iniuugnay sa kontrobersyal na mga proyekto.