-- Advertisements --

Posibleng maharap sa contempt of Congress sina dating U.S. President Bill Clinton at dating secretary of state Hillary Clinton kung hindi sila haharap sa pagdinig ng Kongreso kaugnay ng imbestigasyon sa yumaong convicted sex offender na si Jeffrey Epstein.

Ayon sa ulat, ipinatawag ng House Oversight Committee ang mag-asawang Clinton para sa closed-door depositions noong linggo bilang bahagi ng patuloy na imbestigasyon tungkol sa kaugnayan ng mga kilalang personalidad kay Epstein at ang paghawak ng gobyerno sa mga impormasyong may kinalaman sa kanyang ginawang krimen.

Inaasahang magbibigay ng testimonya si Bill Clinton nitong Martes, habang si Hillary Clinton naman ay sa Miyerkules. Gayunman, hindi pa kumpirmado kung sisipot ang dalawa.

Una nang nanawagan si U.S. President Donald Trump para sa malinaw na transparency ng imbestigasyon matapos maglabas ang U.S. Department of Justice (DOJ) ng maliit na bahagi ng mga dokumentong may kinalaman kay Epstein, isang buwan matapos ang itinakdang deadline ng mga kaso.

Nagdulot ito ng pagkadismaya sa ilang mga tagasuporta ni Trump, lalo na sa mga naniniwalang pinatay umano si Epstein upang pagtakpan ang umano’y pagkakasangkot ng makapangyarihang mga indibidwal sa gobyerno—alegasyong itinanggi naman ng mga awtoridad.

Nabatid na kung patuloy na hindi sisipot ang mag-asawang Clinton, maaaring magsulong ang komite ng contempt of Congress resolution na kailangan pang aprubahan ng buong House bago isumite sa DOJ.

Ang criminal contempt of Congress ay isang misdemeanor na may parusang hanggang isang taong pagkakakulong at multang aabot sa $100,000, bagama’t nakasalalay pa rin sa DOJ kung itutuloy ang kaso.

Napagalaman na nag-ugat ang mga subpoena sa isang unanimous bipartisan vote noong nakaraang taon na nag-aatas sa komite na pilitin ang testimonya ng mga kasalukuyan at dating opisyal na may kaugnayan sa imbestigasyon kay Epstein.

Una sanang nakatakdang tumestigo ang mga Clinton noong Oktubre, 2025, ngunit ipinagpaliban ito habang nakikipag-usap ang kanilang mga legal team sa komite.

Samantala, kinuwestiyon naman ng kampo ni Hillary Clinton kung bakit siya ipinatawag, at iginiit na hindi malinaw ang kaugnayan ng kanyang testimonya sa imbestigasyon.

Si Epstein, na dating may ugnayan kina Trump at iba pang prominenteng personalidad, na nahatulan ng sex crimes at kalaunan ay inaresto sa umano’y sex trafficking ng mga menor de edad.

Namatay siya sa loob ng kulungan noong 2019 matapos umanong mag-suicide bagay na tinutulan ng publiko.

Matapos muling maupo sa puwesto noong nakaraang taon, maalalang nangako si Trump na ilalabas ang mga Epstein-related files ngunit kalaunan ay binawi ito at sinabi na wala na umanong mahalagang impormasyon ukol sa mga ito.

Sa kabila nito, naglabas naman ang DOJ ng unang batch ng mga dokumento noong Disyembre, 2025, na tinatayang nasa isang porsiyento lamang ng kabuuang case file.

Kabilang sa mga inilabas na dokumento ang mga larawang kuha kay Bill Clinton noong unang bahagi ng 2000s, bago pa man naharap sa kaso si Epstein.

Mariing itinanggi ng dating pangulo ang anumang maling gawain at iginiit na hindi niya alam ang mga krimen ni Epstein at matagal na umano niyang pinutol ang ugnayan dito bago ito maaresto.