VIGAN CITY – Nagdadalamhati ngayon ang pamilya ng mag-asawa sa Barangay Calanutian, Sinait, Ilocos Sur na namatay matapos maaksidente kagabi sa national highway ng Barangay Magsaysay, Sinait.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, nakilala ang mga biktimang sina Jayson Yabes, 37-anyos at Rizalyn Edelora Yabes, 38-anyos na isang empleyado ng local government unit ng nasabing bayan na kapuwa residente ng Barangay Calanutian.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pauwi na sana ang mag-asawa galing sa Christmas party at binabagtas ng mga ito ang pa-timog na direksyon sakay ng tricycle ng pinaniniwalaang inagaw ni Jayson ang linya ng nakasalubong na Isuzu Elf na minaneho ni Oscar Rebollo Libed, 61-anyos na residente ng Barangay Nalupta, Batac City, Ilocos Norte kaya nangyari ang aksidente.

Sinubukan pa umanong iwasan ni Libed ang tricycle na sinakyan ng mga biktima ngunit huli na ang lahat dahil nagbanggaan na ang dalawang sasakyan.

Dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga ng tricycle na sinakyan ng mga biktima sa nasabing truck, nagtamo ang mga ito ng malalang sugat sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang rason ng kanilang pagkamatay.