KORONADAL CITY – Patay ang mag-asawa habang kritikal naman ang anak ng mga ito matapos na binangga ng isang pampasaherong Toyota Hi-Ace van ang motorsiklo ng pamilya sa National Highway, Barangay Laginding, Esperanza, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni Maj. Alexander De Pedro hepe ng Esperanza PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ang mga nasawi na sina Nelson Delaquina, driver at padre de pamilya, asawa nitong si Arlene habang kiritikal naman ang kondisyon naman ng kanilang 12-anyos na batang lalaki na si Niel John.
Ayon kay De Pedro, lumabas sa kanilang imbestigasyon na mabilis ang takbo ng van na papuntang Cotabato City na parang nagkakarerahan pa ng isa pang nakasabayan nitong van habang mula naman sa Maguindanao area ang motorsiklo sakay ang magpamilyang Delaquina papuntang Isulan, Sultan Kudarat.
Lumiko umano ang motorsiklo papuntang gasoline station na nasa gilid lang ng daan upang magpagasolina sana nang biglang hinagip ng humaharurot na van.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang tatlong bikitma kasama ang kanilang motorsiklo.
Halos hindi na magamit pa ang motorsiklo dahil sa pagkakayupi kung saan maging ang makina ay humiwalay sa katawan nito.
Agad din na tumakas ang driver ng van matapos mangyari ang aksidente.
Nakita pa umano ng ilang mga residente sa lugar na sumakay sa nakasabayang puting van ang driver ng van na nakabangga sa mga biktima.