Patuloy ang paglala ng kaguluhan sa Iran sa ikalimang araw na malawakang protesta laban sa tumataas na gastusin sa pamumuhay at pagbagsak ng halaga ng pera ng bansa.
Ayon sa ulat, dalawang katao ang nasawi sa lungsod ng Lordegan sa timog-kanlurang bahagi ng Iran at tatlong katao ang napatay sa lungsod ng Azna at isa pa sa Kouhdasht.
Bukod dito may ilang katao rin umano ang nasawi sa nagpapatuloy na kaguluhan sa pagitan ng mga raliyista at security forces sa iba’t ibang lungsod sa kanlurang bahagi ng Iran.
Noong Huwebes, kumalat sa social media ang mga video na nagpapakita ng mga sasakyang sinusunog sa gitna ng engkuwentro ng mga raliyista at security forces sa ilang lugar.
Panawagan na tapusin na ang pamumuno ng supreme leader ng bansa, habang ang iba naman ay humihiling na ibalik ang monarkiya.
Nabatid na nagsimula ang mga protesta matapos ang biglaang pagbagsak ng halaga ng Iranian currency laban sa US dollar dahil dito naglunsad ng mga protesta ang mga negosyanteng nagalit sa panibagong pagbagsak ng halaga ng kanilang pera at noong Martes, sumali na rin ang mga estudyante at kumalat ang mga protesta sa iba’t ibang lungsod sa bansa.
Samantala, iniulat naman ng state media na isang miyembro ng security forces na konektado sa Islamic Revolutionary Guards Corps (IRGC) ang napatay sa kaguluhan.
Iniulat din na 13 pulis at miyembro ng Basij ang nasugatan matapos pagbabatuhin ng mga demonstrador.
Bilang tugon, isinara na ng mga awtoridad ang mga paaralan, unibersidad, at pampublikong institusyon sa buong bansa noong Miyerkules matapos ideklara ang bank holiday.
Sinabi naman ni Iranian President Masoud Pezeshkian na handa ang kanyang administrasyon na pakinggan ang mga lehitimong hinaing ng mga nagpoprotesta. Gayunman, nagbabala ang Prosecutor General na si Mohammad Movahedi-Azad na anumang tangkang magdulot ng kaguluhan ay haharap sa isang mahigpit na parusa.
















