-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa panganib ng mga ilegal na pabrika ng paputok matapos ang isang pagsabog sa Dagupan City na ikinasawi ng dalawang katao.

Ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., hindi na ito bago, kaya’t mahalaga ang kooperasyon ng komunidad sa pagpapanatili ng kaligtasan.

Nabatid na ang pabrika ng paputok sa Sitio Boquig, Barangay Bacayao Norte ay walang mga kaukulang permit.

Ipinag-utos naman ng PNP ang isang imbestigasyon upang matukoy ang mga may pananagutan at matiyak na mahaharap sa kaso ang mga nasa likod ng ilegal na operasyon.

Nagbigay din ng babala ang PNP chief sa mga patuloy na nagpapatakbo at nagbebenta ng ilegal na paputok na mahaharap sila sa parusa kapag nahuli nila ito.

Hinimok din ni Nartatez ang mga mamamayan na makipagtulungan upang matigil ang ganitong mga mapanganib na gawain at mapanatili ang kaligtasan ng bawat pamilya at komunidad.