Umani ng matinding batikos mula sa netizens ang isang lalaking nakuhanan sa viral video habang paulit-ulit na nagpapaputok ng baril sa gitna ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ang video, na kumakalat sa Facebook, ay nagpapakita ng isang Pilipinong lalaki na naka sumbrelo na nagkakasa at nagpapaputok ng baril habang sinasalubong ang Bagong Taon. Dahil dito, mabilis itong naging viral at umani ng sari-saring reaksyon online.
Marami sa mga netizens ang mariing kinondena ang ginawa ng lalaki, na ayon sa mga ito ay delikado at iresponsable, lalo na sa gitna ng kasiyahan kung saan maaaring malagay sa panganib ang buhay ng iba.
Batay sa mga post na kalakip ng video, sinasabing ang insidente ay naganap umano sa Italy. Gayunman, hindi pa ito opisyal na nakukumpirma at nananatiling hindi malinaw ang eksaktong lokasyon kung saan ito nangyari.
Sa isang follow-up post, iginiit ng sinasabing orihinal na nag-upload ng video na laruan lamang umano ang baril na makikita sa footage. Ito ay bilang tugon sa matinding reaksiyon at puna mula sa publiko.
Samantala, may mga ulat din online na nagsasabi na parehong indibidwal ang gumawa ng kahalintulad na pagpapaputok ng baril noong pagsapit ng 2025, subalit wala pang kumpirmasyon ukol dito.
















