-- Advertisements --

Nagmistulang ‘dagat ng dugo’ tanawin sa baybayin ng Hormuz Island sa Iran matapos ang malakas na pag-ulan na nagdulot ng matingkad na pulang kulay sa dagat.

Kilala ang lugar bilang “Red Beach” dahil sa mataas na konsentrasyon ng iron-oxide-rich soil na matatagpuan sa isla.

Sa pagkakataong ito, nahugasan ng ulan ang pulang lupa mula sa mga bangin at dalisdis ng isla patungo sa dagat, dahilan upang magmukhang “blood-red” ang tubig sa baybayin.

Ayon sa ulat, ang phenomenon ay nagbigay ng pambihirang tanawin na agad na naging tampok sa internet, kung saan maraming turista at lokal ang nagbahagi ng mga larawan at video ng pulang dagat.

Ang isla ng Hormuz ay matagal nang kilala sa makukulay na geological formations at sa tinatawag na “gelak,” pulang lupa na ginagamit sa pigment, cosmetics, at tradisyunal na produkto.

Bagama’t nakakatakot tingnan, nilinaw ng mga eksperto na ito ay natural na proseso at hindi indikasyon ng polusyon o sakuna.

Ang iron oxide o hematite sa lupa ng isla ang pangunahing dahilan ng kakaibang kulay, na mas nagiging matingkad tuwing may malakas na ulan.

Sa kasalukuyan, nananatiling atraksyon ang “Red Beach” para sa mga turista at photographer, at lalo pang naging tanyag dahil sa kamakailang pangyayari.

Ang Hormuz Island, na matatagpuan sa Strait of Hormuz, ay isa sa mga pinakapopular na destinasyon sa Iran para sa mga mahilig sa kakaibang tanawin at natural wonders.