-- Advertisements --

Siniguro ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kahandaan nitong tumugon sa posibleng lalo pang paglala ng sitwasyon ng bulkang Mayon.

Ito ay kasunod ng pagtaas ng alerto sa naturang bulkan dahil sa muling pagtaas ng mga aktibidad nito.

Ayon sa PCG, inihanda na ng Coast Guard District Bicol (CGDBCL) ang mga Disaster Response Group (DRG) Team nito, na maaaring umalalay sa anumang operasyon, tulad ng paglikas.

Ang mobilisasyon sa DRG, ayon sa coast guard, ay isang maagap na hakbang upang matiyak ang kahandaan at agarang pagtugon sakaling magkaroon ng posibleng pag-aalburoto ng bulkan na maaaring makaapekto sa mga baybayin at karatig na komunidad sa sa Bicol Region.

Isinailalim na rin sa heightened alert ang DRG Team upang magsagawa ng search and rescue operations, humanitarian assistance, evacuation efforts, at maritime safety operations kung kinakailangan.

Kasabay nito ay naka-standby ang lahat ng assets ng naturang coast guard district para sa deployment anumang oras.

Pinapayuhan din ng Coast Guard District Bicol ang publiko, partikular ang mga residenteng malapit sa Bulkang Mayon, na mahigpit na sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad at iwasan ang pagpasok sa mga ipinagbabawal o mapanganib na lugar.