Target ngayon ng Philippine National Police na paiigtingin pa ang kanilang serbisyo publiko.
Ayon kay acting PNP Chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., isa sa mga pangunahing layunin nila ay ang pagbibigay pansin sa resource management, na kinabibilangan ng masusing paggamit at pamamahala ng mga kagamitan at pondo ng PNP.
Kasama rin dito ang pagpapaangat ng morale at pagpapabuti ng kapakanan ng bawat tauhan ng PNP, mula sa mga pinakamababang ranggo hanggang sa mga opisyal.
Binigyang-diin din ni Nartatez Jr. na palalakasin pa nila ang Enhanced Managing Police Operations (EMPO) upang mas maging mabilis at epektibo ang pagresponde ng mga pulis sa iba’t ibang insidente at krimen na nagaganap sa komunidad.
Dagdag pa rito, kabilang din sa mga prayoridad ng PNP sa ilalim ng kanyang pamumuno ang Integrity Monitoring, na naglalayong masiguro ang integridad at katapatan ng bawat pulis.
Kasabay nito, paiigtingin din ang disiplina at pananagutan ng bawat miyembro ng kapulisan upang mas maging responsable sila sa kanilang mga tungkulin at kilos.
















