Iginiit ng Department of National Defense (DND) ang mapayapang paglutas sa mga hindi pagkakaunawaan ng walang pananakot kasunod ng military drills ng China sa paligid ng Taiwan.
Sa isang statement, nagpahayag ng matinding pag-aalala ang defense department sa mga hakbang ng militar at coast guard ng China sa paligid ng Taiwan, na ayon sa ahensya ay nakasisira sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Ayon kay Defense Secretary Gilberto Teodoro, ang tumitinding pamimilit ng China ay may epekto hindi lamang sa relasyon ng Taiwan at China, kundi maging sa Indo-Pacific region.
Binigyang-diin ng ahensya na dapat igalang ang international law, pairalin ang pagpigil sa sarili, at panatilihin ang mapayapang pagresolba ng mga sigalot.
Muling iginiit ng Pilipinas ang suporta nito sa isang malaya, bukas, matatag, at rules-based na Indo-Pacific.
Nitong Linggo nang simulan ng China ang military drills nito sa paligid ng Taiwan bilang babala umano laban sa pakikialam ng “external forces.”
Ito ay kasunod ng napaulat na pag-apruba ng Amerika sa $11.1 billion arm sale sa Taiwan, na tinututulan ng China dahil paglabag umano ito sa prinsipyo ng “One China” at nagdudulot ng tensyon sa rehiyon.
















