Lapu-lapu City Police Office, pagtutuunan ng pansin ang stray bullets at firecracker incidents sa pagsalubong ng Bagong Taon
Umaasa ang Lapu-Lapu City Police na magiging ligtas ang pagsalubong ng Bagong Taon at maiwasan ang mga insidente dulot ng paputok at hindi na maulit ang naitalang stray bullet sa lungsod.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay PCol. Antonietto Canete, Officer-in-charge ng Lapu-Lapu City Police Office, sinabi pa niya na isa sa hamong kanilang kinakaharap ay ang firecracker-related incidents kung saankaraniwang nadidisgrasya ay ang mga menor de edad na naglalaro ng paputok.
Aniya, mahigpit ang kanilang monitoring at inspection sa mga firecracker zones at mataong lugar upang maiwasan ang mga insidenteng tulad nito.
Ibinahagi pa ni PCol Cañete na isang alalahanin ng kapulisan ang stray bullet incident na naitala sa pagdiriwang ng Pasko ngunit huli ng iniulat sa mga otoridad.
Maswerte naman aniyang walang nasugatan sa insidente at isinailalim na sa ballistic examination at crossmatching ang natagpuang slug.
“It happened (allegedly) madaling araw ng December 25, and late na naireport sa mga pulis dahil late na ring nadiskubrehan ng may ari ng bahay. Subject na ang slug sa ballistic examination and crossmatching. wala namang nasugatan during the insidente, only that may nakitang fired bullet,” saad ni Cañete.
Nagbigay-babala pa ito na mahigpit nilang ipatutupad ang mga parusa laban sa sinumang mahuling nagpaputok ng kanilang baril kahit ito man ay isang miyembro ng uniformed personnel, ahensya ng gobyerno o maging pulitiko.
Samantala, patuloy din aniya ang kanilang police visibility sa mga matataong lugar upang mapigilan ang anumang krimen, habang nagsasagawa ng mga operasyon laban sa iligal na droga, loose firearms, at iba pa.
“I appeal to the public to immediately report sa pulis kung makaakita na nagpaputok especially mga firearms kahit mga uniformed personnel , government agencies or politicians. Report immediately para maiwasan ang stray bullets that might victimized innocent people. We will file charges against them,” dagdag pa nito.
















