-- Advertisements --

Nagbabala si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros sa mabilis na pagdami ng deepfake pornography gamit ang artificial intelligence (AI) technology.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women and Children, humarap sa pagdinig ang aktres na si Angel Aquino at content creator na si Queen Hera kaugnay ng isyu ng deepfake pornography. 

Ibinahagi ni Queen Hera ang matinding dinanas nang madiskubre niyang nagamit sa dark web ang larawan ng kaniyang anak.

Samantala, mariing kinondena ni Aquino ang paggamit sa kaniyang mukha sa isang malaswang video.

Ayon kay Hontiveros, matagal nang ginagamit ang teknolohiya upang magsagawa ng pang-aabuso at krimen laban sa kababaihan at kabataan, ngunit ngayon ay umabot na sa paggawa ng AI-generated non-consensual. 

Binanggit pa ng senadora na, nakakabighani man ang bilis at lawak ng paglaganap ng AI, higit na nakakatakot ang bilis at lawak ng pang-aabuso dito. 

Giit niya, hindi lamang ang law enforcement agencies ang humaharap sa panibagong hamon sa pagtukoy at paghuli sa mga gumagawa nito, kundi mas nakababahala ang banta sa karapatan ng bawat indibidwal lalo na sa kanilang privacy. 

Ipinalabas din ni Hontiveros ang video ng pagkakadakip kay Thomas Scheuer sa Cebu ng mga kawani ng Bureau of Immigration.

Isa siyang Amerikanong pugante na wanted ng Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa possession of child sexual abuse and exploitation materials.

Ibinunyag din ni Hontiveros na, batay sa mga alegasyon at isinagawang pananaliksik ng kanyang opisina, maaaring nasangkot din ang pugante sa pang-aabuso sa sarili niyang anak na babae.

Giit ng senadora, nakapandidiri na malayang nakakagala sa ating bansa ang mga ganitong uri ng tao.

Tiniyak naman ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na mayroon silang kapangyarihan o otoridad upang magbawal o magpatanggal ng mga adult materials na inilathala nang walang pahintulot.