-- Advertisements --

Isinusulong ni Senate President Vicente Sotto III ang tuluyang pagbasura sa Oil Deregulation Law upang muling ibalik sa pamahalaan ang kapangyarihang magtakda at magkontrol sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa, lalo na sa gitna ng epekto ng tensyon sa Middle East.

Sa pamamagitan ng inihain niyang Senate Bill No. 1984, layunin ni Sotto na tuldukan ang pagiging malaya ng mga kumpanya ng langis sa pagtatakda ng kanilang pricing.

Ayon sa mambabatas, napapanahon na upang makialam ang estado dahil sa direktang epekto ng krisis sa labas ng bansa sa bulsa ng mga ordinaryong Pilipino.

Sa ilalim ng Republic Act 8479, na kilala rin bilang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998, inalis ng gobyerno ang kontrol nito upang maging competitive ang merkado pagdating sa suplay at presyo ng petrolyo.

Ngunit ipinaalala ni Sotto na bago maipasa ang nasabing batas, ang Energy Regulatory Board ang nagtatakda ng presyo ng petrolyo base sa global oil costs at exchange rates.

Bukod dito, ang Oil Price Stabilization Fund ang sumasalo sa pabago-bagong presyo sa pandaigdigang merkado upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng pump prices.