Suportado ni Senate Pro Tempore Panfilo “Ping”Lacson ang panukalang joint oil at gas exploration sa pagitan ng Pilipinas at China, lalo na sa West Philippine Sea, sa gitna ng banta sa pandaigdigang suplay ng langis dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Lacson, dapat pag-aralan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang hakbang, dahil may potensyal itong magbigay ng malaking kita at makatulong sa energy security ng bansa.
Gayunman, iginiit niya na ang anumang kasunduan ay dapat mahigpit na sumunod sa 60-40 foreign ownership rule na nakasaad sa 1987 Constitution, kung saan hindi bababa sa 60% ay dapat pag-aari ng mga Pilipino.
Dagdag pa ng senador, bagama’t mayaman sa langis at natural gas ang West Philippine Sea, kulang ang Pilipinas sa teknikal at pinansyal na kakayahan para magsagawa ng eksplorasyon nang mag-isa. Sa kabilang banda, taglay umano ng China ang kinakailangang teknolohiya para rito.
Dagdag pa niya, kung papayag ang China sa 60-40 na hatian, ito ay indikasyon ng pagkilala sa soberanya ng Pilipinas sa nasabing karagatan.
Binalikan din ni Lacson na noong administrasyon ni Rodrigo Duterte, tinalakay na ang ganitong inisyatiba kasama si ngayo’y Senate President Vicente Sotto III at dating Senador na si Gregorio Honasan, at umano’y naging bukas dito ang dating Pangulo.
















