CEBU – Inaalam na ng Office of the Building Official (OBO) ang dahilan ng pagguho ng lumang gusali ng Social Security System (SSS) sa Gorordo Avenue, Barangay Kamputhaw, Lungsod ng Cebu kaninang madaling araw.

Basi sa inisyal na report, bigla na lang gumuho ang nasabing gusali na katabi lang ng isang construction site ng itatayong condominium.

Wala namang naitala na namatay o nasugatan sa insidente.

Gayunman, dismayado pa rin ang area manager ng isang kilalang bangko matapos na malaki ang napinsala sa kanilang establishment na nadamay sa
pagguho SSS building.

Ayon kay Walter Lasaca, matagal na silang nagbigay ng report sa OBO dahil sa mga biyak na nakikita nila sa lumang gusali at sinasabing delikado dito ang kanilang building.

Ngunit tanging pangako lang daw ang tugon ng OBO hanggang sa nangyari nga ang pagguho ng lumang SSS building.

Nabatid na maliban sa nabanggit na bangko, nadamay din sa pagguho ang karatig na dialysis center.