-- Advertisements --

Natukoy ng Metropolitan Manila Development Authority ang 49 na lugar sa Metro Manila na itinuturing na flood-prone o madalas bahain.

Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, kabilang dito ang Araneta at Banawe Avenue sa Quezon City, Maysilo Circle sa Mandaluyong, at España Boulevard sa Maynila.

Ipinaliwanag niya na mababa ang naturang mga lugar kaya mabilis tumaas ang tubig baha, kaya mahalaga ang maayos na operasyon ng mga pumping stations.

Dagdag pa ni Artes, lumala pa raw ang pagbaha sa Taft Avenue at ilang bahagi ng Ermita dahil sa dolomite beach project. Dati, may tatlong daluyan ng tubig palabas sa lugar, ngunit isinara ang mga ito upang idaan muna ang tubig sa sewerage treatment plant, kaya nagkakaroon ng pagbabara.

Tiniyak naman niya na patuloy ang ahensya sa paggawa ng mga hakbang upang mapagaan ang problema sa baha, lalo ngayong panahon ng tag-ulan. Nauna na rin niyang binanggit na gumagana na ang 71 pumping stations sa buong Metro Manila.