Nanawagan si Bohol Provincial Board Member Jamie Aumentado Villamor na dapat nang ikabahala ang lumalawak na banta ng pang-aabuso online sa mga kabataan sa gitna ng pag-usbong ng digitalization.
Ayon kay Villamor, hindi dapat ipagsawalang-bahala ang posibilidad ng child exploitation, lalo na sa mga tourist destinations gaya ng Panglao at Dauis, kung saan dumarami ang mga banyagang turista.
Aniya, sa panahon ngayon ay mabilis ppa umano ang pagdami ng online activities at mataas ang exposure ng mga bata sa social media, kaya mas malaki rin ang tsansa na sila ay maabuso — online man o offline.
Bagamat mababa pa ang opisyal na bilang ng mga kasong may kaugnayan sa child abuse online sa lalawigan, inamin nito na maaaring maraming insidente ang hindi naiuulat.
Kaugnay nito, binigyang-diin pa ng opisyal ang kahalagahan ng mas malawak na awareness campaign sa bawat barangay at munisipyo upang mas maprotektahan ang mga kababaihan at kabataan.
Kasalukuyang pinag-aaralan din ng lalawigan ang pagbibigay ng incentives sa mga local government units na may maayos na programa sa child protection governance, pati na rin sa mga aktibong nagpapatupad ng mga kampanya laban sa online child trafficking at exploitation.
Layon pa nitong hindi lang mapigilan ang krimen, kundi mabigyan ng lakas ang mga mamamayan na maging bahagi sa pag-uulat at pagprotekta sa mga kabataan.