-- Advertisements --

Nilinaw ng pamunuan ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu na hindi papayagang sumakay ang mga pulitiko sa galleon sa panahon ng fluvial procession para sa 461st Fiesta Señor sa Enero 17.

Sa pagtatanong ng Star Fm Cebu, inihayag ni Rev. Fr. Jules Van Almerez, media liaison officer ng Basilica, sinabi nito na may nakahanda na umanong listahan ng mga sasakay sa galleon na kinabibilangan ni Archbishop Abet Uy at mga piling panauhing inimbitahan ng simbahan.

Dagdag pa ni Fr. Almerez, layunin ng patakarang ito na mapanatili ang kabanalan at kaayusan ng prusisyon, gayundin maiwasan ang anumang maling pananaw ng publiko, lalo na sa gitna ng umiiral na mga isyu ng katiwalian.

Paglilinaw pa niya na bagamat hindi papayagang sumakay sa galleon, maaari pa ring makibahagi ang mga pulitiko sa fluvial procession bilang mga katuwang.

Samantala, ngayong nagsimula na ang novena masses para sa Fiesta Señor, muling pinaalalahanan nito ang mga deboto na sumunod sa mga itinakdang dos and don’ts.

Kabilang na dito ang pagbabawal sa pagdadala ng malalaking backpack at camping chairs, gayundin ang mahigpit na pagsunod sa dress code sa pagpasok sa loob ng simbahan.