-- Advertisements --

Iginiit ni Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na ang anumang hakbang sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay dapat pumasa sa mahigpit na pamantayan ng Konstitusyon at nakabatay sa ebidensya, hindi sa haka-haka o political noise.

Binigyang-diin ni Adiong na ang impeachment ay isang seryosong prosesong konstitusyonal na nangangailangan ng malinaw na mga katotohanan at matibay na patunay.

Aniya, hindi dapat gamitin ang impeachment bilang sandatang pulitikal at hindi dapat maimpluwensiyahan ng tsismis o walang beripikadong alegasyon.

Tiniyak din ng mambabatas na mananatiling nakatuon ang Kamara sa tungkulin nitong pambatas at oversight, habang pinangangalagaan ang due process at integridad ng proseso.

Tugon ito ni Adiong sa naging pahayag ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice na may mga kongresista ang maghahain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr bukod pa kay Vice President Sara Duterte.