Pumalo na sa mahigit 200 deboto ang nilapatan ng atensiyong medikal ng Department of Health sa gitna ng nagpapatuloy na prusisyon ng Poong Hesus Nazareno sa Maynila ngayong Biyernes, Enero 9.
Ayon kay DOH-Health Emergency Response Team Leader, Dr. Christian Ramos, mas marami ngayon ang mga isinugod na pasyente sa mga DOH medical tents dahil sa trauma. Mayorya ay mga nagtamo ng sugat gaya ng gasgas at pasa.
Iniulat din ni Dr. Ramos na mayroong isang pasyenteng nasagasaan ang kaliwang paa ng gulong ng andas dahilan ng pagkaputol ng dulo ng kaniyang daliri sa paa. Mayroon ding ilang deboto na kinailangang isugod sa ospital kabilang ang isang 15 anyos na naipit sa kasagsagan ng prusisyon at nakaranas ng anxiety reaction.
Samantala, nasa kabuuang 20 DOH emergency stations ang nakapwesto sa ruta ng andas kung saan nakapagtala ng biglang pagdami ng mga nasugatang deboto sa Area 2 kaninang pasado alas-7:00 ng umaga.
Agad namang dinala ang mga sugatang deboto sa medical tent ng DOH sa may Ayala bridge, na bahagi ng ruta ng andas.
Sa ngayon, tuluy-tuloy ang pakikipagtulungan ng DOH sa Philippine Red Cross para sa pagbibigay ng medical aid sa mga deboto sa kasagsagan ng Traslacion.










