Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pulisya at iba pang law enforcement agencies ang mahigpit at agarang pagpapatupad ng batas upang mapanagot ang mga sangkot sa kaso ng mga nawawalang sabungeros.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na malinaw ang direktiba ng Pangulo na ipatupad ang umiiral na batas, kabilang ang agarang pag-aresto sa mga may warrant of arrest.
Nauna nang naglabas ng arrest warrants ang Regional Trial Court ng Sta. Cruz, Laguna laban sa mga akusado kabilang ang negosyanteng si Charlie Atong Ang sa kasong kidnapping at serious illegal detention kaugnay ng pagkawala ng ilang sabungeros.
Aabot sa 34 na sabungeros ang iniulat na nawawala mula 2021 hanggang 2022, na hinihinalaang may kaugnayan sa match-fixing o pandaraya sa sabong.
Isinilbi ngayong araw ng PNP ang warrant of arrest laban kay Atong Ang subalit hindi nakita dito ang negosyante.
















