Nanawagan si House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan sa Kongreso na agad na ipasa ang batas para sa susunod na yugto ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program, bago magtapos ang kasalukuyang programa sa 2027.
Aniya, ang maagang aksyon ay magtitiyak ng maayos na pagpapatuloy ng modernisasyon ng AFP, at mapapanatili ang kakayahan, kredibilidad, at pagiging handa ng militar. Saklaw ng programa ang pagbili ng makabagong kagamitan, sistema ng armas, teknolohiyang pangdepensa, at iba pang kritikal na kakayahan, kabilang ang intelligence at surveillance.
Noong 2025, naitala ang ilang mahahalagang milestone ng programa, kabilang ang pag-deliver ng dalawang bagong 3,200-ton guided-missile frigates, BRP Miguel Malvar at BRP Diego Silang, at limang multi-role S-70i Black Hawk helicopters. Nakumpleto rin ang kontrata para sa 12 karagdagang FA-50PH supersonic fighter jets.
Ayon sa 2026 General Appropriations Act (GAA), inilaan ang ₱40 bilyon para sa kapital na gastusin sa modernisasyon ng militar, tumaas mula ₱35 bilyon noong 2025. Mula 2013 hanggang 2025, umabot sa ₱313.6 bilyon ang pondo ng Kongreso para sa AFP modernization, kasama ang karagdagang ₱134.1 bilyon sa “unprogrammed appropriations.” (report by Bombo Jai)
















