Pormal nang itinalaga bilang susunod na AFP chief of staff si Lt. Gen. Benjamin Madrigal na tinaguriang “mission-focused-leader” sa kanilang organisasyon dahil sa kaniyang dedikasyon sa trabaho at serbisyo.

Kilala rin si Madrigal na isang warrior o mandirigma laban sa New People’s Army (NPA).

Ang appointment ni Madrigal ay bunsod sa napipintong pagreretiro sa serbisyo ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Carlito Galvez Jr.

Sinabi ni dating AFP chief of staff at Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na si AFP Eastern Mindanao Command commander Lt. Gen. Benjamin Madrigal Jr. ang hahalili kay outgoing AFP chief of staff Galvez.

Una nang ipinahiwatig ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magmumula sa Philippine Army ang susunod na chief of staff.

Si Galvez ay nakatakda nang magretiro sa darating na December 12 matapos sumapit ang kaniyang ika-56 taong kaarawan, ang mandatory age retirement sa AFP.

Sina Galvez at Madrigal ay mag-mistah sa Philippine Military Academy (PMA) Class 1985.

Si Madrigal ang kasalukuyang commander ng AFP Eastern Mindanao Command na nakabase sa Davao City mula noong Nobyembre 2017.

Naging commander din ng Southern Luzon Command si Madrigal

Isang seasoned combat officer din si Madrigal.

Bilang commander ng Eastmincom mahigpit na tinututukan nito ang pagpapatupad ng AFP Development Support Security Plan “Kapayapaan” na target tuldukan ang problema ng insurgency alinsunod sa AFP Transformation Road map.