Nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tatapusin na nito ang paggamit ng mga umano’y “temporary permits” sa TNVS units, na iginiit nilang hindi umiiral at ginagawa lamang ilegal ang operasyon ng mga gumagamit nito.
Ayon kay LTFRB Chair Vigor Mendoza II, ang mga provisional authority at authority to operate lamang ang tanging valid ang mga dokumento para sa mga TNVS.
Binalaan niya din ang mga Transport Network Companies (TNCs) na tiyaking sumusunod ang kanilang mga driver, o kundi mahaharap sa mabibigat na parusa.
Napagalaman na may umiiral nang matagal na “tempo” scheme kung saan umano’y nagbabayad ang ilang driver sa LTFRB personnel kapalit ng pekeng permits.
Nilinaw ng ahensya na ikinokonsidera nila ang ganitong uri bilang colorum operation at apektado rin umano ng hanggang 30% ang kita ng mga lehitimong TNVS drivers.
Kaugnay nito sinuportahan naman ng Department of Transportation ang kampanya ng LTFRB laban sa ilegal na operasyon ng mga nasabing TNVS drivers sa pamamagitan ng mas malawak na monitoring at mas mahigpit na intelligence operations upang matukoy ang mga sangkot na tauhan.
Nagbabala rin si Mendoza na maaaring bawiin ang authority to operate ng mga TNCs na nagpapahintulot o nagbubulag-bulagan sa ganitong gawain.















