-- Advertisements --

Ibinida ni Philippine Army Commanding General, Lt. Gen. Roy Galido ang pagpapalawak sa operation reach ng militar ng Pilipinas.

Sa kaniyang mensahe sa Land Power in the Pacific (LANPAC) Symposium and Exposition 2025 na isinagawa sa Honolulu, Hawaii, binigyang-diin ng Army chief ang kahalagahan ng Positional Advantage o ang bentahe ng isang militar na may mas maayos na military at defense strategy kumpara sa ibang militar na hindi matibay ang defense position.

Dito ay ibinida ng 3-Star general ang expansion o paglawak ng operational reach ng Philippine Army para makakuha ng dominance sa larangan ng digmaan. Tinukoy nito ang pagsuporta ng PA sa internal at external security operations, at pagsuporta sa pagpapatatag sa Indo-Pacific Region.

Ang mga ito aniya, ay bahagi ng paglawak ng operational reach ng bansa, kasabay ng pagpapalakas nito sa hukbong-militar.

Binigyang-diin din ng heneral ang kabutihan ng pagkakaroon ng multi-domain mindset sa pagtukoy sa mga kahinaan ng isang militar upang lalo pang mapalakas ang hukbo.

Sa LANPAC 2025, nagkaroon ng pagkakataon si General Garido na makausap sina Japan Ground Self-Defense Force Chief of Staff Gen. Yasunori Morishita, USARPAC Commander Gen. Ronald Clark, at Australian Army Commander Lt. Gen. Simon Stuart.

Isa sa mga pangunahing pokus dito ay ang pagtutulungan ng mga naturang bansa upang mapanatili ang katatagan at pagiging bukas ng Asia-Pacific Region.

Ang LANPAC 2025 ay nagsisilbing plataporma upang maipakita ang papel ng land forces sa buong Indo-Pacific sa panahon ng giyera kapayapaan.