Itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) ng Philippine National Police (PNP) si Lt. Gen. Archie Gamboa, matapos bumaba sa kaniyang puwesto si PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde.
Si Gamboa ang number 2 man ng PNP at mistah ni Albayalde na miyembro ng Philippine Mlitary Academy Class 1986.
Sa pagharap ni Gamboa sa media, kaniyang sinabi na tututukan niya ang malawakang pag-aaral hinggil sa pagpapatupad ng mga patakaran sa hanay ng pulisya.
Si Gamboa ang siya ring pinuno ng oversight committee ukol sa internal cleansing program ng PNP.
Ayon kay Gamboa, nasubaybayan naman niya ang naging pagdinig ng Senado at para sa kaniya ay malinaw ang mensahe ng mga senador sa kanila na ayusin ang mga umiiral na polisiya lalo na sa pagpapatupad ng mga parusa.
Kung maaalala sa naging pagdinig ng Senado, isa sa mga inusisa ay kung bakit matagal na hindi pinatupad ang dismissal order laban sa mga pulis na sangkot sa maanomalyang Pampanga drug operations noong 2013.
Nabatid na pinatawan ng demotion ang mga naturang pulis sa halip na masibak ang mga ito sa tungkulin, kahit pa may malinaw na pagkakasala ang mga ito.
Dagdag pa ni Gamboa, magsilbi sanang babala sa iba pang mga tiwaling pulis ang naging usapin dahil tiyak na wala silang sasantuhin sinuman sa kanilang mga tauhan sakaling mapatunayan na sila’y nagkasala.