-- Advertisements --

Nanawagan ang Workers’ unions of the Light Rail Manila Corp. (LRMC) kay Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na maglabas ng public apology matapos nitong pagalitan ang isang station manager dahil sa maruming kondisyon ng Baclaran Station ng LRT-1.

Ayon sa pinagsamang pahayag ng National Federation of Labor Chapter 001–LRMC Supervisory Union at Chapter 003–LRMC Rank and File Union, hindi makatarungang sisihin ang isang ordinaryong empleyado sa mga problemang lampas sa kanyang kontrol.

Giit pa ng union, walang sinumang opisyal ng gobyerno ang may karapatang “ipahiya o sigawan” ang manggagawa sa publiko. Dapat anila ay dumaan sa tamang proseso at dayalogo ang pananagutan, at hindi sa “public shaming.”

Tinawag din ng mga grupo na “hindi akma sa isang opisyal ng gobyerno” ang ginawa ni Lopez, at iginiit na ang ganitong “PR stunt” ay hindi sukatan ng tunay na pamumuno.

Sa ngayon wala pang tugon si Lopez hinggil sa naturang panawagan.