-- Advertisements --

Wala pa ring nakikitang dahilan ang Armed Forces of the Philippines na magsagawa ng loyalty check sa lahat ng mga sundalong nasasakupan nito.

Sa gitna ito nangyayaring tensyon ngayon sa pagitan ng mga kampo nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw ay muling binigyang-diin ni AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla ang una nang naging pahayag ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. kung saan sinabi nitong hindi na aniya kinakailangan pa na magsagawa ng loyalty check sa kasundaluhan.

Kasabay nito ay muli ring iginiit ng AFP na mananatili itong non-partisan at hindi makikisawsaw sa isyu ng politika sapagkat isang propesyunal na organisasyon at naka-focus sa kanilang misyon.

Samantala, bukod dito ay iniulat din ni Col. Padilla na hanggang sa ngayon ay wala pa naman silang natatanggap na anumang impormasyon hinggil sa napapabalitang manifesto ng mga dati at retiradong heneral na tutol sa pagsusulong ng people’s initiative.

Una na kasing may lumutang na manifesto na nagsasabing ayon sa ilang mga retiradong heneral ay bata sa demokrasya ng ating bansa ang paggamit ng ayuda at pagbabayad ng Php100 para lamang kumalap ng pirma para sa layuning baguhin ang konstitusyon.

Ngunit giit naman ni Col. Padilla, labas ang AFP dito sapagkat hindi na aniya nasasaklaw pa ng kanilang organisasyon ang mga dati at retiradong heneral ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.