KALIBO, Aklan —- Isinalaysay ng nag-iisang nakaligtas sa tumaob na bangka ang naging karanasan habang palutang-lutang sa laot sa loob ng tatlong araw.
Si Rolito Casidsid, 52-anyos, residente ng isla ng Boracay at kapitan ng bangkang may pangalang “Honey” ay hinang-hina nang masagip dahil sa matinding ginaw, gutom at pagod habang nakakapit sa kanyang bangka dakong alas-7:30 ng umaga ng mga mangingisdang residente ng Barangay Cocoro, Palawan noong Disyembre 7.
Itinuturing naman niyang himala ang pagkakaligtas kasabay ng pagpapaabot ng pasasalamat sa mga residente at opisyal ng barangay na tumulong sa kanya.
Kinumpirma rin niya na pawang binawian na ng buhay ang tatlong kasamahan na sina Juden Matore, Luis Guyo at Mary Jane Matore Cezar.
Unang napaulat na nawawala ang apat noong Disyembre 4 matapos maglayag mula Boracay papuntang Looc, Romblon upang makipaglibing.
Ngunit, inabutan sila ng masamang panahon at pinalubog ng mga naglalakihang alon ang kanilang bangka sa kalagitnaan ng karagatang sakop ng Isla ng Hambil at Yapak, mga 50 metro pa lamang ang layo sa dalampasigan.
Gayunman, masuwerteng nakakapit silang apat sa bangka, subalit hindi umano nakayanan ng mga kasamahan ang hirap sa loob ng halos tatlong araw na nagpalutang-lutang sa Sulu Sea at namatay ang mga ito, kung saan hindi pa natatagpuan ang kanilang katawan.
Sa tulong ng kaukulang ahensiya ng gobyerno, isinugod ang biktima sa Cuyo District Hospital at idineklarang nasa mabuti nang kalagayan.
Masaya umano siya at binigyan pa ng pangalawang pagkakataon na muling makasama ang kanyang pamilya.