Binalaan ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda ang ilang messaging at online shopping apps na maaaring ma-ban kung hindi nila aalisin ang gambling content.
Ayon sa kalihim, lumilipat na ang ilang gambling operators sa messaging at online shopping apps tulad ng Telegram at Viber na posibleng ginagamit para sa ilegal na sugal online.
Sinabi rin ni Aguda na nakikipagtulungan na ang Facebook sa pagtanggal ng gambling pages, habang ang online shopping app na Lazada ay tinanggal na rin ang lahat ng gambling-related links sa kanilang platform.
Ang GCash at Maya naman ay nakapag-unlink na rin sa mga gambling site.
Base sa datos ng DICT, mahigit 8,000 gambling sites na ang kanilang naipatanggal, ngunit may mga panibagong nagsusulputan pa rin. Patuloy umano ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga telecommunication company (telco) upang tugunan ito.
Tiniyak din ng DICT na maglalabas sila ng solusyon sa linggong ito para labanan ang patuloy na paglaganap ng ilegal na online gambling.