Itinanggi ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda ang umano’y budget insertions sa pondo ng kanilang ahensya.
Ito ay matapos ilabas ni dating Ako Bicol Party List Rep. Zaldy Co ang kanyang unang video statement, kung saan naglabas din siya ng listahan ng mga proyektong umano’y isinama sa P100 billion budget insertion na ipinag-utos umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang P5 billion na sinasabing inilaan para sa Free Public Internet Access Fund ng DICT, at P1.5 billion pa para sa iba pang programa.
Subalit ayon kay Sec. Aguda, wala siyang kaalaman sa anumang dagdag na pondo sa kanilang budget.
Dagdag niya, pareho pa rin umano ang National Expenditure Program o panukalang pondo na isinumite ng DICT at wala silang nakikitang pagbabago.
Tiniyak naman ng kalihim na bukas ang DICT sa publiko para sa masusing pagsusuri hinggil sa kanilang mga transaksyon.















