-- Advertisements --

Iginiit ng Sandiganbayan na hindi maaaring humiling ng anumang judicial relief si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co dahil nananatili umano siyang “fugitive from justice.”

Sa isang resolusyon na inilabas noong Enero 8, 2026, ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon ni Co na baligtarin ang pagkansela ng kanyang pasaporte at ang deklarasyong siya ay fugitive.

Ayon sa Fifth division, hindi nag-susurrender si accused Co at nananatiling lampas sa abot ng korte. Dahil dito, wala siyang legal standing para gamitin ang proseso ng hukuman.

Binanggit ng korte ang doktrinang kinilala rin ng Korte Suprema na nagbabawal sa mga fugitive mula sa paghingi ng judicial relief hangga’t hindi sila kusang sumusuko.

Tinanggi rin ng Sandiganbayan ang alegasyon ng kampo ni Co na na-deny siya ng due process at naantala ang pagbibigay sa kanya ng kopya ng mosyon. Ayon sa korte, naabisuhan si Co sa kanyang huling kinilalang address at hindi ito sapat para masabing nawaglit ang kanyang karapatan.

Si Co ay nahaharap sa non-bailable malversation of public funds at graft, kabilang ang mga kaso sa Fifth, Sixth at Seventh Division ng Sandiganbayan. Noong Nobyembre 21, 2025, iniutos ang pag-aresto sa kanya kaugnay ng ₱289.5-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Idineklara siyang fugitive noong Disyembre 10, 2025 matapos hindi sumuko at kanselahin ang kanyang pasaporte. (report by Bombo Jai)