CAUAYAN CITY – Nagpapagaling sa pagamutan ang isang lolo matapos mahulog sa manhole sa ginagawang bahay kalakal sa Harana, Luna, Isabela.

Ang biktima ay si Jose Bejo 64, may asawa, construction worker at residente ng naturang barangay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sa anak ng biktima na si Jayson Bejo, sinabi niya na matapos ang kanilang trabaho ay nakipag-inuman umano ang kanyang tatay sa kanyang katrabaho.

Nang pauwi na umano ang kanyang tatay ay nahulog siya sa manhole na malapit sa ginagawang gusali.

Ayon kay Jayson, nakita nalang ng kapwa manggagawa ang kanyang ama kinabukasan matapos mahulog sa manhole.

Agad naman siyang dinala sa Cauayan District Hospital para malapatan ng lunas.

Batay sa pagsusuri ng pagamutan ay nagtamo ng bali sa buto ang biktima at nahihirapan rin siyang huminga.

Matatandaang isa ring binatang hindi na pinangalanan ang dinala rin sa naturang pagamutan matapos namang mahulog sa ikalawang palapag ng naturang ginagawang gusali.

Nangako naman ang may-ari ng construction company na sasagutin ang pagpapa-ospital dalawa nilang trabador.

Sa ngayon ay tinakpan na rin umano ng mga trabador ang naturang manhole.