Nilinaw ni Foreign Affairs Sec. Teodoro “Teddy Boy” Locsin na hindi “apologetic” ang naging approach ni Pangulong Rodrigo Duterte sa paggiit sa China ng arbitral ruling sa territorial claims sa West Philippine Sea (WPS).
Sa budget briefing ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa House appropriations committee, iginiit ng kalihim na pawang kasinungalingan lamang ang ulat na humingi ng paumanhin si Pangulong Duterte sa Chinese government dahil sa paggiit ng naturang arbitral ruling.
Kung tutuusin ay paulit-ulit nga aniyang ipinupunto ni Pangulong Duterte ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa The Hague ruling sa tuwing bumabiyahe ito sa China.
Samantala, binigyan-diin ng kalihim na walang isusuko ang Pilipinas kahit gaano man kaliit na bahagi ng teritoryo ng bansa sa WPS.
Kung dati nga raw ay magalang ang Pilipinas sa inihahaing diplomatic protests, ngayon direkta nang pumapalag ang pamahalaan.
Samantala, nananawagan ang DFA sa Kamara na dagdagan ang pondo ng ahensya para sa ilang proyekto at programa nito.
Sa parehong briefing, natukoy na sa ilalim ng Tier 2 ay aabot sa P3.662 billion ang naaprubahan para sa expansion ng mga priority projects ng ahensya.
Kabilang na rito ang pagtatayo ng mga bagong consular offices kaya hiniling na itaas kahit sa P8 billion ang kanilang alokasyon dito.
Ang DFA ay may kabuuang P22.55 billion na proposed budget para sa 2020, o 0.55 percent lamang ng kabuuang P4.1 trillion proposed budget para sa susunod taon.