-- Advertisements --

Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa sakit na maaaring makuha mula sa paglusong sa baha sa gitna ng nararanasang mabibigat na pag-ulan sa bansa.

Ayon kay Health spokesperson ASec. Albert Domingo, sakaling hindi maiwasang lumusong sa tubig-baha, dapat na maghugas ng katawan gamit ang malinis na tubig at sabon.

Maaari ding komonsulta at makakuha ng libreng gamot mula sa health center laban sa mga sakit na maaaring makuha sa baha gaya ng cholera, diarrhea, at leptospirosis.

Pinaiiwas din ng ahensiya ang publiko sa banta ng kontaminadong tubig lalo na sa mga residenteng inilikas patungo sa mga evacuation center. Pinapayuhan din ang mga evacuee na magsuot ng face mask para makaiwas sa mga sakit tulad ng ubo at sipon.

Base sa DOH Health Emergency Alert Reporting System, umabot na sa 28,114 ang bilang ng mga evacuee sa 370 evacuation centers sa mga rehiyong apektado ng pananalasa ng bagyong Crising at habagat.

Nakahanda naman aniya ang chlorine tablets na ipamahagi bilang isa sa emergency commodities ng DOH para maging malinis ang inuming tubig ng mga inilikas na mga residente.