-- Advertisements --

Nanawagan si Akbayan Partylist Rep. Dadah Kiram Ismula sa kanyang mga kasamahan sa Kongreso na madaliin ang pagpasa ng House Bill 5703, na kilala rin bilang Bakwit Welfare Bill.

Layon ng panukalang ito na pagtibayin at palakasin ang proteksiyon para sa mga internally displaced persons (IDPs), o iyong mga taong napilitang lumikas sa loob ng kanilang sariling bansa.

Partikular na binibigyang pansin ng panukalang batas ang kapakanan at seguridad ng kababaihan at kabataan na kadalasang mas nanganganib sa mga sitwasyon ng displacement.

Ayon kay Rep. Ismula, nararapat lamang na ituring na isang pangunahing usapin sa karapatang pantao ang kalagayan ng mga bakwit. Ito ay lalong mahalaga sa konteksto ng Pilipinas, na isang bansang madalas makaranas ng iba’t ibang uri ng kalamidad.

Kabilang sa mga partikular na isyu na binibigyang-diin sa panukalang batas ay ang problema ng gender-based violence at exploitation na madalas kinakaharap ng kababaihan at mga batang babae

Batay sa datos na inilabas ng UNHCR, tinatayang mayroong 134,000 na IDPs sa Pilipinas.

Bukod pa rito, mayroon ding tinatayang 129,000 na stateless individuals o mga taong walang kinikilalang nasyonalidad sa bansa.