-- Advertisements --

Aminado si Labor Secretary Bienvenido Laguesma na wala magagawa ang Department of Labor and Employment  sa oras na ipatupad ang lockout kung saan mawawalan ng trabaho ang ilang manggagawa ng Kawasaki Motor Philippine Corporation(KMPC).

Ipinaliwanag ni Laguesma na ginawa ng DOLE sa pamamagitan ng National Conciliation and Mediation Boardang lahat para maayos ang labor dispute sa pagitan ng KMPC at KULU subalit sa kabila ng mahigit sa 1 taon na mediation meeting ay hindi pa rin nagkaroon ng amicable resolution o kasunduan ang magkabilang panig.

Nasa ika-90 araw na ang isinasagawang strike ng mga opisyal ng KULU, ang strike ay sinimulan noong Mayo matapos ang economic deadlock sa Collective Bargaining Agreement(CBA).

Ayon kay Atty. John Bonifacio, external counsel ng naturang kumpanya , nasa 14% ang kabuuang increase na nais ng KULU na “financially unsustainable” base sa kasalukuyang sitwasyon ng kumpanya, aniya, lubha umano itong mataas sa 6% increase na ginawad ng kumpanya kamakailan para sa kanilang Supervisory Union na mayroon ding hiwalay na CBA.

Kabilang sa hiling ng unyon ay 10.50% annual salary increase para sa July 1, 2024, 2025, at 2026; dagdag na P50.00 kada buwan sa basic pay.

Bilang pagpapakita ng “good faith” ay inaprubahan ng management ang mga demands  ng KULU maliban lamang sa 10.5% salary wage increase dahil ang kaya lamang ng kumpanya ay hanggang 5% at iba pang hiling ng Union.

Inalmahan din ng KMPC ang alegasyon ng KULU na mayroong P162M  kada taon  na kita at P21M na bank deposits ang kumpanya para matugunan ang kanilang demands, giit ng KMPC, mula 2020 hanggang 2024 ay nasa P688M ang nalugi nila resulta ng pandemic at ang kanilang financial statements ay kanila  nang naisumite sa NCMB.

Sa kabila ng pagkalugi ng kumpanya sa nakalipas na mga taon ay hindi ito nagsagawa ng layoffs bilang konsiderasyon sa kanilang mga empleyado, nagsagawa ng cost-saving measures ang kumpanya kabilang na dito ang pagpapasara sa 14 Kawasaki Service Centers (6 sa Luzon, 8 sa Visayas-Mindanao) sa layunin na makatipid ng P2.6 Million kada taon.

Sa Agosto 26 ay ipatutupad ang lockout sa may 289 union workers.

Sa kanilang Notice of Lockout iginiit ng Kawasaki Motors na nilabag ng 289 manggagawa ang probisyong “No Strike/No Lockout” gayundin ay binoykot ng mga union workers ang tatlong opisyal na aktibidad ng kumpanya noong nakaraang taon, kabilang dito ang anibersaryo noong Hulyo 24, Sportsfest noong Hunyo 15, at ang mandatory overtime na inihayag noong Abril 30, 2025 upang makahabol sa produksyon.

Sinabi ni Atty Bonifacio, external counsel ng Kawasaki na ang paglabag sa No Strike/No Lockout clause ng CBA ay itinuturing na unfair labor practice, na maaaring magsilbing batayan sa lockout.