-- Advertisements --

Sa gitna ng banta ng panibagong airstrikes ng Israel, libu-libong Iranians na ang nagkukumahog na makatakas para sa kanilang kaligtasan.

Sa malalaking siyudad tulad ng Tehran, makikita ang napaka-habang pila ng mga sasakyan na nag-uunahang makaalis sa kabisera patungo sa lugar malapit sa border ng Türkiye.

Sa ibang mga siyudad sa Iran tulad ng Shiraz sa south-central Iran, hili-hilera din ang mga sasakyan sa mga gasolinahan. May mga sasakyan ding lulan ang kanilang pamilya at puno ng mga suplay patungo sa rural areas, na malayo sa punterya ng Israel.

Nauna na ngang naglabas ng babala ang Israeli military na naghihikayat sa mga residente ng Tehran na agad na lumikas.

Nagbanta din ang Israeli military na sa mga susunod na oras mago-operate sila sa Tehran para tamaan ang military infrastructure ng Iranian regime.

Nauna na ring pinayuhan ni US President Donald Trump ang lahat na agad lisanin ang Tehran.

Ang mga pag-atake nga ng Israel sa kabisera ng Iran ay parte ng tinawag ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu bilang “preemptive strike” laban sa sekretong programa ng Iran na paggawa ng nuclear bomb, kung saan may kapasidad na aniya ang Tehran na gumawa ng 9 na nuclear bombs, na ayon naman sa International Atomic Energy Agency (IAEA) ay paglabag sa obligasyon nito sa ilalim ng nuclear non-proliferation treaty.