-- Advertisements --

Ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes na mamimigay sila ng libreng single journey ticket (SJT) sa mga pasaherong nakaranas ng tap-out errors sa pilot run ng cashless payment system sa MRT-3.

Ayon sa DOTr, ang hakbang ay bahagi ng agarang solusyon sa mga reklamo ng pasaherong siningil ng maximum fare na P28 dahil sa sistema ng pagbabayad na nagka-aberya sa exit turnstiles.

Makakakuha ng non-expiring SJT ang mga apektadong pasahero kapag nagpakita sila ng patunay ng kanilang failed tap-out transaction sa alinmang MRT-3 ticket booth.

Nagpasalamat naman si Transportation Secretary Vince Dizon sa pasensya ng mga mananakay at sinabing patuloy ang pagdagdag ng cashless turnstiles at pag-upgrade ng sistema ngayong buwan upang maiwasan ang mga aberya.

Matatandaan na inilunsad ng DOTr ang bagong cashless payment system noong Hulyo 25, kung saan maaaring gumamit ng GCash, debit, o credit card bilang pamasahe sa MRT-3.