-- Advertisements --

Ganap nang batas ang panukalang nagbibigay ng libreng serbisyo sa libing para sa mahihirap na pamilyang Pilipino matapos itong mapasabatas kahit na hindi nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang bagong batas, Republic Act No. 12309 o “Free Funeral Services Act,” ay awtomatikong naging epektibo noong Setyembre 28, makalipas ang 30-araw mula nang maisumite ito ng Kongreso sa Malacañang, alinsunod sa Article VI, Section 27(1) ng 1987 Constitution.

Sa ilalim ng batas, ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mangunguna sa pagbibigay ng libreng serbisyo sa libing sa mga pamilyang nasa krisis, kabilang ang mga indigent o mga nasalanta ng kalamidad.

Sasaklawin din ng libreng funeral package ang embalsamo, burol, cremation o libing, transpiration, at kabaong o urn.

Bago makapag-avail, kailangang magsumite ang pamilya ng death certificate, valid ID, kontrata sa funeral home, at social case study mula sa DSWD social worker.

Ang mga funeral establishments na kasali sa programa ay babayaran ng DSWD regional offices base sa aprubadong kontrata. Ang paunang pondo ay kukunin mula sa P44.75 billion budget ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).

Kaugnay nito, para naman sa mga lalabag, papatawan ng multang P400,000 at pagkansela ng lisensya ang mga funeral homes na lalabag sa bagong batas.

Samantala, ang mga mahuhuling mandaraya naman o magsusumite ng pekeng dokumento para makakuha ng libreng serbisyo ay makukulong nang anim na buwan at pagmumultahin ng hanggang P500,000.

Magugunitang ang RA 12309 ay unang ipinasa ng Senado bilang Senate Bill No. 2965 noong Hunyo 2, at in-adopt ng Kamara bilang House Bill No. 102 noong Hunyo 11. Naipadala ito sa Office of the President noong Agosto 28, ngunit hindi pinirmahan ni Marcos Jr. hanggang sa ito’y mapasabatas sa pamamagitan ng paglipas ng panahon noong Setyembre 28.