-- Advertisements --

Isinagawa ng Department of Migrant Workers (DMW) ang ikalimang OFW Serbisyo Caravan sa Dubai nitong weekend upang maghatid ng iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipinong nasa United Arab Emirates (UAE).

Kabilang sa mga serbisyong inialok ay legal aid, documentation, contract verification, Assistance-to-Nationals (ATN), business at financial literacy, franchising, at psychosocial counseling.

Nakiisa rin ang Filipino Social Club (FilSoc) upang magbigay-aliw sa mga dumalo.

Dahil sa dami ng mga tao, isinara ang pasukan sa event nang maaga bandang alas-9:30 ng umaga.

Ayon sa DMW, maaaring bumisita ang mga hindi nakapasok sa Migrant Workers Office (MWO) sa Dubai para sa mga serbisyong pampubliko.

Pinangunahan ng mga opisyal ng DMW at OWWA ang caravan. Matapos ang Dubai, nakatakda namang idaos ang Serbisyo Caravan sa Jeddah sa Agosto 8 at sa Al Khobar sa Agosto 15, 2025.